Korupsiyon at Kawalan ng Pag-asa


(Ang piyesang ito ay hinango sa talumpati ni Rebecca T. Anonuevo bilang reaksiyon sa talumpati ni Dr. Alice Guillermo sa kauna-unahang “National Study Conference on Corruptionary. An Innovative Tool for Good Governance” na ginanap sa University Hotel, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman Quezon City noong Disyembre 8-9 2008. Paki-click po dito para sa English version).

Magandang umaga po sa inyong lahat. Nandito po ako para ibahagi sa inyo ang aking munting kaalaman sa malalang problema ng ating bayan; problemang may pangalang kayang bigkasin ng kahit sinong paslit sa lansangan na marunong ng magsalita.

Hindi po ako nandito para magpakahulogan ng salitang iyon. Ayaw ko narin po magbigay ng mga halimbawa dahil sawang-sawa na tayo doon. Bilang isang manunulat, mahilig po akong magnilaynilay. Ito lang naman sa tingin ko ang kapital ng isang manunulat, ang kakayahang pagnilaynilayan ang mga bagay-bagay na nangyayari sa ating mundo. Kung hindi sa pagnilay-nilay, ano pa kayang lumang-bago ang maisusulat ng isang makatang tulad ko?

Saan man ako tumingin, may nakikita akong bahid ng problemang ito. Katulad ninyo, ako’y napapagod na rin. Para maiba naman, naisip kong pag-isipan ang dahilan kung bakit tayong mga tao’y nakakagawa ng mga bagay na nakakasama o di kaya’y nakakacorrupt.

Alam po natin ang ibig sabihin ng pag-asa. Ang kakapanalo lang bilang 44th na presidente ng America na si Barack Obama, ay nagsabing ang pag-asa ay hindi pagpikit ng mga mata sa suliranin sa kasalukoyan; kundi ang pagharap sa mga ito araw-araw na may paniniwalang darating at darating din ang panahon na malalampasan at makakamtan din natin ang mga bagay na ating minimithi at pinaghihirapan.

Kung baga, sinasabi ni Obama na ang taong may pag-asa ay ang taong kayang makakita hindi lang ng kung ano ang nasakasalukoyan, kundi pati iyong hindi pa dumarating; nakikita niya hindi lang ang ngayon kundi pati ang bukas at makalawa; isang linggo mula ngayon, isang buwan, isang taon, sampong taon, isang henerasyon.

Napakalaganap na ng korupsiyon sa ating lipunan na sa tingin ko’y, nawalan na tayo ng pag-asa na masugpo pa ito. Ang korupsiyon ay mahalintulad ko sa mga basura. Buong buhay ko ay hindi ako nagtatapon ng basura sa kalye subalit puno parin ito ng basura, kaya anong pagkakaiba? Hindi na makakadagdag ang isang balat ng kendi sa tambak-tambak na basura sa kalye. Ang kakitiran ng ganitong klase ng pag-iisip ang nagdadala sa atin ng pagkaaburido, at ang pagkaaburido ang nagtutulak sa atin na gumawa ng mga bagay na hindi dapat ginagawa ng isang taong may pag-asa at umaasa. Ang utak na pinanggalingan ng mga salitang iyon ay hindi na naniniwala sa kasabihang kung ano ang itinanim siya rin ang aanihin. Paano, hindi naaabot ng kanyang paningin panahon ng pagani kaya para sa kanya hindi na darating, kaya para ano pa na magtanim. Ang kanyang atensiyon ay nakadiin sa kalam ng kanyang sikmura, o di kaya’y sa kati ng kanyang noo. Hindi na siya naniniwala na ang gutom at hirap ay hindi makapipigil sa pagdating ng bukas na nagdadala ng pagkakataon na malunasan ang ano mang lungkot, gutom, at pangangailangan.

Sa kahinaba-haba ng sinabi ko, ang luyag ko lang talagang sabihin ay ganito: Ang pagiging korupsiyon ay sintomas ng isang kaluluwang nawawalan ng direksiyon at pag-asa sa buhay. Kung nais nating masugpo ang korapsiyon, kailangan muna nating paghirapang ibalik sa ating sarili ang pag-asa at pagtitiwala. Magtiwala tayo sa kapangyarihan ng mabuting gawa, at umasa tayo na mamumunga ng masagana ang katapatang ating itinamin para sa ikauunlad ng lahat.

Maraming salamat po, at mabuhay ang sambayanang Filipino.

To Oration Pieces page

7 thoughts on “Korupsiyon at Kawalan ng Pag-asa

  1. Pingback: Oration Piece: TNHS | Teacher's Assistant to K-12

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.